Sa tabi ng ilog Daba-daba, na ang tubig ay umaagos mula sa Bundok ng Apo, nakatahanan ang balangay ng Dayaw. Pinamumunuan ito ni Raha Musukul. Si Rani Waling ang magandang asawa ng Raha. Siya ang nagdadala ng kaligayahan at kariktan sa Dayaw.
Magdadapit-hapon na nang may isang tauhan ng balangay ang nagmamadaling tumungo sa tahanan ng Raha. Isang masamang balita ang inihatid nito. Ang nakababatang kapatid ni Raha Musukul na si Datu Ambungan ay napatay sa Bundok ng Apo. Sinasabing habang nangangaso ang Datu kasama ang kanyang tauhan, isang kasapi mula sa tribo ni Raha Makalisang ang pumatay sa kanya.
Sa pagkarinig nito ni Raha Musukul ay sumiklab ang kanyang poot kay Raha Makalisang. Ang tribong ito ay matatagpuan sa kabilang dako ng Bundok ng Apo. Agad-agad na pinatawag niya ang kanyang tagapagpayo na si Datu Kinadmanon at ipinahanda ang isandaang mga sundalo. Sa kanyang paghihiganti ay lulusubin niya ang tribo ni Raha Makalisang.
Subalit sa pagpapasyang ito ay hindi sumang-ayon si Datu Kinadmanon.
“Hindi mo maaaring pilitin na lumusob sa balangay ni Makalisang. Hindi tayo handa at mapanganib ito para sa iyong buhay,” ang nag-aalalang sabi ng Datu.
“Ako man ay hindi nag-aalala sa sarili kong buhay. Pinatay nila ang pinakamamahal kong kapatid at dapat babayaran ni Makalisang ang buhay niya ng sariling dugo,” ang pagtitimping pananalita ni Raha Musukul.
“Ngunit paano ang iyong Rani? Papabayaan mo na lang bang iwan siya na walang katapatang ika’y magbabalik?”
Dumating si Rani Waling at nagtangkang pigilan ang paglisan ng asawa.
“Mahal kong Raha, hindi ako makakapayag na ilagay mo ang sariling buhay sa guhit ng kamatayan,” ang pag-iyak ng magandang Rani.
“Kailangan kong ipaglaban ang buhay ng yumaong si Ambungan. Mahal, sana’y maintindihan mo ang pasya ko,” ang sagot naman ng Raha.
“Si Raha Makalisang ay kilala sa pagpapatay ng sinumang dayuhang lalampas sa kanyang teritoryo nang walang permiso. Wala siyang binubuhay na nagkakasala,” pagmamakaawa ni Rani Waling.
“Alam ko iyan. Datapuwat iya’y hindi makakapigil sa aking pagsalakay. Maghintay ka lamang, magbabalik ako at ito ay isang pangako,” ang matamlay na pamamaalam ng magiting na Raha.
Nang gabing iyon ay lumisan si Raha Musukul kasama ang isandaang tauhan patungo sa kabilang dako ng Bundok ng Apo. Maraming araw silang naglakbay sa kabundukan upang makaabot sa tribo ng Raha Makalisang.
Maraming linggo ang dumaan at lubos na nag-aalala na si Rani Waling tungkol sa Raha.
BASAHIN DIN: Alamat ng Bahaghari
“Sa pagkakataong ito ay dapat nakabalik na sila mula sa labanan,” ang nababalisang sabi ng Rani kay Datu Kinadmanon.
“Mahal na Rani, ika’y huwag mawalan ng pag-asa. Darating ang Raha, maghintay ka lamang,” ang pananalig na pagsabi ni Datu Kinadmanon.
“Kailangang hanapin ko na siya ngayon. Ako’y nag-aalala sa kanyang kaligtasan.”
“Bilang paggalang mahal na Rani, hindi ako makakapagpahintulot na ika’y aalis at maghahanap sa Raha. Mahigpit na bilin sa akin ng Raha Musukul na ika’y pananatilihin dito sa balangay.”
Sinikap ni Rani Waling na umasa at maghintay sa Raha ngunit paglipas ng dalawang buwan ay muling umalab ang pag-aalala nito.
Nag-iiwan ng tanong sa mga isipan ng mga taga-Dayaw ang paglulusob ni Raha Musukul. Ito ay dahil sa mahabang panahon na dumaan ay walang nakabalik mula sa labanan.
Isang gabi, nang tulog na ang Datu Kinadmanon ay pinatawag ni Rani Waling ang alalay na si Kugihana. Napagpasyahan ni Rani na tumakas at hanapin ang Raha.
Tumungo sina Rani Waling at Kugihana sa Bundok ng Apo upang maghanap sa Raha.
Maraming araw silang naglakbay at naghanap ngunit wala silang natagpuang pahiwatig na nabubuhay pa ang Raha. Buo pa rin ang loob ng Rani na buhay pa ang matapang na Raha at magbabalik ito, dahil ito ay isang pangako.
Sa kapayapaan ng kagubatan ay lalong nagdurusa si Rani Waling sa nadadamang pagdadalamhati. Umakyat siya sa isang matayog at malapad na punongkahoy. Buong araw siya doon namalagi sa isa sa mga naka-usbong na mga bisig ng puno upang mas mainam niyang matanaw ang maluwang na paligid sa pagdarating ng iniirog na kabiyak.
Sumapit ang isang hapon at naubusan na sila ng pagkain.
“Kugihana, hanapan mo tayo ng makakain. Magpapatuloy tayo sa ating paglalakbay ngunit nangangailangan tayo ng pagkain at pahinga. Pumitas ka ng mga prutas mula sa mga punongkahoy sa may tabing ilog ng Daba-daba,” utos ng Rani.
“Ngunit, mahal na Rani, napakalayo noon at hindi kita maaaring iwan ng matagal. Mapanganib dito sa bundok ng Apo,” ang nababalisang sagot ni Kugihana.
“Basta’t sundin mo ako at lumisan ka na upang makabalik ka bago magbukang liwayway,” ani Rani Waling.
BASAHIN DIN: Alamat ng Makahiya
At nagsimula nang maglakad nang palayo si Kugihana habang maigi itong nagtataka sa mga salita ng Rani. Subalit sa layong inilakbay ni Kugihana ay napagod siya matapos magtumpok ng mga makakain. Dahil sa labis na pagkapagod, siya ay napaidlip sa lilim ng isang malaking punongkahoy.
Samantala, nang makaalis na si Kugihana, nagdasal si Rani Waling na parang hindi siya nagdadasal noon. Ito na ang nagmimistulang pinakamakapangyarihang dasal na naisabi niya sa Bathala.
“Mahal na Bathala, ibalik niyo po sa akin ang sinisinta kong si Raha Musukul. Kailangang matupad niya ang pangakong pagbabalik sa aking buhay. Ang kaluluwa ko’y hindi mamamayapa hangga’t hindi ko siya makikita. Ako’y maghihintay sa buong buhay, masubaybayan lang ang kanyang pagdating.”
Ang nagdadalamhating daing ng Rani ang siyang nangingibabaw sa kagubatan ng Bundok ng Apo. Sa paghahagulhol ni Rani Waling ay dahan-dahang nagtumpuk-tumpok ang mga nangingitim na mga ulap sa naninilim na himpapawid. Nagsimulang umulan, kumulog at kumidlat, na tila sumasagot ang Bathala sa pighating paghihikbi ng Rani.
Buong gabing umiiyak si Rani waling, kasabay ang matinding unos na iniluluha ng kalangitan.
Kinabukasa’y napakaliwanag ng araw ngunit hindi namalayan ni Kugihana na umaga na pala. Nang masilayan siya ng sinag ng araw ay nagising siya at sa kanyang pagkabigla ay agad-agad siyang napatakbo patungo sa kinaroroonan ng Rani, taglay ang mga prutas na kanyang pinitas.
Ngunit nang makaabot siya sa pinag-iwanan niya kay Rani Waling, siya ay biglang napahinto. Wala na ang Rani sa mayabong na punongkahoy na kinananatilihan niya kahapon.
Subalit sa sangang iyon na noo’y kinauupuan ni Rani Waling ay may taglay na kakaibang bulaklak. Ito’y munti at ang mga lilang petal nito’y kabigha-bighani.
Dalawang araw na naghanap si Kugihana kay Rani Waling sa kagubatan, ngunit hindi niya ito natagpuan. Umuwi na lamang siya sa balangay ng Dayaw upang humingi ng tulong. Sinabihan niya si Datu Kinadmanon sa lahat ng mga pangyayari na sa pagkarinig nito’y madaling naghanda ng mga tauhan upang tumungo sa gubat.
Sa kagubatan ay naghanap silang lahat kay Rani Waling sa loob ng tatlong araw. Walang ni isang kaalaman ang naiwan ng Rani, maliban lang sa bulaklak na iyon. Sa pagkakita nito ni Kugihana ay nabigla siya sa pagdami nito. Ang mga lilang bulaklak na iyon ay kumalat na bumabalot sa punong iyon at sa mga katabing puno nito na wari’y may hinahanap.
“Ang bulaklak na ito’y kasingrangya at kaakit-akit ng magandang si Rani Waling. Siya ay ating ipaubaya na sa makapangyarihan na Bathala, hanggang sa pakakataong matanto niya ang tanging ninanais: ang pagbabalik ng iniirog na si Raha Musukul,” ang marahang pananalita ni Datu Kinadmanon.
Magmula noon ay Waling-Waling ang tinatawag sa lilang bulaklak na iyon. Pinaniniwalaang patuloy na naghihintay pa rin si Rani Waling sa pagbabalik ng sinta. Ito ay lalung-lalo na tuwing umuulan at mabagyo kung kailan dumadami at kumakalat ito sa mga puno. At ang lilang kulay nito ang kulay ng pagdadalamhati ni Rani Waling na hanggang ngayo’y hindi pa natatahan.
Aral
- Huwag gumawa ng desisyon kung galit upang hindi masakripisyo ang buhay at mga bagay sa iyong paligid.
- Matutong makinig sa payo ng mga nakatatanda upang hindi mapahamak.