Magandang araw sa iyo, kaibigan! Hanap mo ba ay mga halimbawa ng talumpati tungkol sa kalikasan? Nasa tamang website ka!
Marami kang mababasang talumpati dito na maaari mong pagkunan ng ideya. Halina’t basahin at gawing inspirasyon sa iyong paksang napili ang mga talumpating nakalap namin. Huwag mo din namang sayangin ang mga aral na maari mong makuha sa bawat talumpating iyong mababasa.
Maligayang pagbabasa!
SEE ALSO: Ano ang Talumpati, Halimbawa ng Talumpati at mga Uri
Mga Halimbawa ng Talumpati Tungkol sa Kalikasan
- Kalikasan ay ating Pangalagaan
- Ang Kalikasan at ang Tao [Walang Pinagkakaiba]
- Muling Buhayin ang Kalikasan
- Ang Kalikasan Noon At Ngayon
- Kalikasan ang ating Paraiso
- Kahalagahan ng Kalikasan
- Kalikasan: Pangalagaan at Ingatan
- Talumpati Tungkol sa Kalikasan
- Kalikasan, Ating Pangalagaan!
Kalikasan ay ating Pangalagaan
Talumpati ni Steven Coral
Pagmasdan natin ang ating paligid. Natutuwa ba kayo? Natutuwa ba kayo sa kasalukuyang nangyayari sa ating kalikasan? Natutuwa ba kayo sa kaliwa’t kanang mga delubyo?
Kung oo ang iyong, marahil ay hindi mo lubos na nauunawaan ang tunay na kalagayan ng ating kalikasan. Para saiyong kaalaman, sira na… sira na ang kalikasang bumubuhay sa atin. Sira na ang kalikasang pinagkukunan natin. At, sino ang may gawa? Tao!
Pansinin natin ang ating paligid. Hindi ba’t mas marami pa ang mga basurang ikinalat ng tao kaysa sa mga halaman. Mga basurang ikinalat natin bunga ng kawalang-disiplina at katamaran. Ngayon, ang mga basurang ito ang siyang naninira sa mukha ng kalikasan. Dinudumihan nito ang iba’t ibang anyong tubig – lawa, dagat at maging ang mga ilog.
Idako naman natin ang ating tingin sa mga kabundukan. Ang dating berde nitong damit ay animong unti-unting nawawala dahil sa kagagawan ng mga tao. Isa na rito ang ilegal na pagpuptol ng mga puno at ang pagkakaingin na minsa’y nagiging mitsa ng malawakang sunog. Hindi ba’t ang mga kabundukan ang siyang pinagkukunan natin ng halos lahat ng ating pangangailangan at kanlungan din ito ng marami pang nilalang na umaasa sa silong ng kabundukan.
Ngunit, ang mas nakababahala ay ang unti-unting pagkawala ng ating mga kabundukan. At, ano ang rason? Matinding pag-aasam ng pag-unlad.
Hindi naman bago sa atin ang ganitong patakaran. Pinapatag ang bundok upang gawing kabahayan o industriya. Pinapatag ang bundok upang tayuan ng mall at negosyo. Pinapatag natin ang bundok para sa ikauunlad ng ating sarili.
Sa totoo lang, kung ating sisipatin nang mainam, magmula sa mga pagtatapon ng basura pahanggang sa pagpapatag ng kabundukan ay iisa lang ang nagiging mitsa. Iyon ay ang matinding pag-aasam ng tao upang umunlad.
Walang masama sa pag-asam ng pag-unlad o pag-asam ng kaginhawaan. Ang masama ay yung naninira na tayo nang sobra-sobra para lamang sa ating mga sarili. Isipin natin na kahit kailan ay hindi matatawag na maunlad ang isang bansa kung halos lahat ng kaniyangmamamayan ay nasasabik sa malinis na tubig, matatamis na prutas at gulay, sariwang hangin at luntiang paligid. Hindi pag-unlad ang tawag doon kundi isang delubyo.
Maaaring ang mga lindol o anumang sakuna ay isa nang paalala sa atin na unti-unti na nawawala ang kalikasan mula sa ating pangangalaga. Paalala napinapatay na natin ang kalikasang bumubuhay sa atin. Lahat ng mga iyon ay paalala na kaya ring gumanti ng kalikasan sa atin.
Mga kaibigan, responsibilidad natin ang kalikasan, ibig sabihin ay alagaan natin ito at pagyamanin. Huwag natin ito ipagpalit sa huwad na pag-unlad. Mahalin natin ito at pangalagaan dahil sa huli kung ano ang ibinigay natin sa kalikasan ay siya ring kanyang ibabalik sa atin.
Ang Kalikasan at ang Tao [Walang Pinagkakaiba]
Talumpati ni Miho
“Ang Diyos ay nilikha tayong lahat ng pantay-pantay”
Sa aking mga kaklase, aking mga minamahal na guro at sa ginagalang nating lahat na mga HURADO, Magandang Hapon po sa inyong lahat.
Magandang Kalikasan at Mapagmahal na tao, Asan kayo?
Nilikha ng Diyos ang tao para pangalagaan ang kanyang mga likha. Ginawa ng Diyos ang Kalikasan hindi para sirain o tapak-tapakan. Dapat ang ating kalikasan ay pinapangalagaan. Kung isa kang taong binibigyang importansya ang nilikha ng Diyos na Maykapal, maiintindihan mo ang aking sinasabi, mararamdaman mo ang aking pinapahiwatig at alam mo ang gusto kong sabihin.
Ang kalikasan ay maihahalintulad mo sa isang sanggol. Malinis, walang kasalanan at nakakatuwang tingnan. Ngunit sa paglipas ng panahon maraming magbabago sakanya at sa maraming ito sisiguraduhin kong hindi ka matutuwa.
Ang kalikasan ay parang isang tao rin na marunong masaktan. Siguro kung naririnig lang natin ang sigaw ng kalikasan ay binging-bingi na tayo. Kung nakakapagsalita lang siguro ang kalikasan ay matagal na tayo nitong kinausap.
Tao? Hindi ka ba naawa sa ginagawa mo? Hindi sa lahat ng oras ay nandiyan ang kalikasan para suportahan ang lahat ng pangangailangan mo. Pinahiram ng Diyos ang kalikasan sa ating mga tao hindi lang para sirain ng tao!
Isipin mo na lang akin sinasabi na ang lahat ng bagay ay may katapusan hindi lang ang tao pati ang ating hindi binibigyang importansyang KALIKASAN!
Muling Buhayin ang Kalikasan
Talumpati ni Jeric B. Ventoza
Buong puso po akong pumarito ngayon at haharap sa madla dala ang aking napakahalagang mensahe.
Ang kalikasan ay isang pinakamahlagang bagay sa buhay ng tao. Lahat ng ating pangangailangan ay naibibigay nito. Tayong mga nilalang ay hindi nabubuhay kung wala ang kalikasan. Tayo’y lubos na umaasa sa ibinibigay nito.
Ang bawat isa sa mundong ito ay nabigyan ng pagkakataon na matikman ang tamis ng kalikasan. Matanda man o bata, mahirap man o mayaman lahat ay may karapatan. Ngunit bakit? Bakit napakahirap para sa atin na alagaan ang kalikasan at maintindihan kung ano ang kahalagahan nito! Bakit sa tingin ng karamihan ay para bang, walang saysay sa kanila ang kalikasan? Bakit? Oh kawawang kalikasan bakit ka nila ginaganyaan.
Sa mabilis na pagtakbo ng panahon, ang bilang nating mga tao ay dumarami’t lumaalaki rin. Sa halip na atin pang mapakikinabangan ang kalikasan ay wala na tayong makukuha mula dito dahil sa ating mga maling gawi. Tayo mismo ang gumagawa ng paraaan upang masira ang kalikaasan. Eh, tayo rin naman ang nangangailangan.
Ang magagandang karagatan at maging ang mga ilog, mga lugar na masasabing tunay na may malusog na kalikaasan, bakit kung saan may mga taong namumugad ay hindi na maganda.
Napakaraming mga basurang nagkakalat. Lubus na itong nasisira. Kahit pinagbabawalan man ng mga sangay ng pamahalaan ang pagtatapon ng basura, datapwat sila mismo ang nagpapatayo ng mga nagsisipalakihang mga gusali na siya ring nagdudulot ng kapinsalaan sa kalikasan. Ang mga punong nagbibigay ng magandang simoy ng hangin ay kanilang pinapuputol. Hindi ko na maintindihan ang mga tao.
Sa ating mga tao nagsimula ang paggawa ng mga plastiks at iba pang mga bagay-bagay at ang pagsusunog ng mga ito ang sumisira sa ating atmospera. Wala ng sino pang ibang mapagbibntangan sa paghihirap na naararanasan natin. Tayong mga tao mismo ang may pakana at may gawa ng lahat ng ito.
Ibig ko lamang ipabatid sa lahat, nagawa man nating sirain ang kalikasan, hindi pa huli upang magbago. Sama-sama tayong magkapitbisig at igugol ang ating oras sa ating nasirang kalikasan. Hindi man madaling mabago ang lahat subalit kung pagsisikapan natin ay magagawa natin ito.
Taus puso ko pong hinihingi ang inyong tulong para sa muling pagkabuhay ng ating inang kalikasan!
Ang Kalikasan Noon At Ngayon
Talumpati ni Lisa Marie Agno
Madalas itinuturo sa paaralan ang kahalagahan ng likas na yaman natin ngunit ano nga ba ang kalikasan noon at ngayon?
Kung ikukumpara natin ang kalikasan noon at ngayon, mapapansin natin ang ilang pagbabago na nagaganap sa ating kapaligiran. Noon ang kalikasan natin ay sagana sa mga likas na yaman, maraming puno, sariwang hangin, magandang kapaligiran, tanawin at malinis na dagat at ilog.Pero ngayontayo ay namumuhay wsa isang kalikasan na animo’y bangungot na kikitil sa sanlibutan at walang buhay na kapaligiran. Pansinin ninyo ang ating ilog, dibat napakarumi na nito? Ang mga mapang abusong tao ay ginagawang tapunan ng mga basura ang ating ilog! Yan ang kasalukuyang kalikasan na ginagalawan natin ngayon.
Ano ba ang nararapat nating gawin upang kalikasan nati’y maibalik sa dati nitong ganda? Pagsunod sa batas na dapat nating sundin ang sinuman upang kalikasan nati’y maibalik sa dati nitong anyo at ganda!
Pahalagahan natin ang kalikasan, at pahalagahan ang bawat natitirang likas na yaman ng ating bansa! Dahil ang labis na pang aabuso sa ating kalikasan ang siyang magiging sanhi ng pagka wasak at pagka wala ng mga likas na yaman. Iligtas natin ang ating kalikasan, ingatan natin ito dahil ito ang magiging susi ng pag asenso ng ating bansa.
Kalikasan ang ating Paraiso
Talumpati ni Milinda O. Bernardino
Isang malinis, maayos, sariwang hangin, sagana sa likas na yaman at tirahan iyan ang paraiso. Ito’y buong pusong ihinain n gating may likha ang kalikasang nasasa-ating pangangalaga. Isang paraisong maihahandog sa tao.
Ang paraiso ba natin ay ang ating daigdig. Tunay, isang paraiso ang daigdig….. paraisong likha ng kalikasang nasa kanyang sinapupunan….. kalikasang dito lamang matatagpuan. Hindi ito makikita sa magandang naglalakihang planeta.
Subalit sa pagdaan ng maraming taon ang kalikasan ng daigdig ay unti-unting naglaho dahil tumubo sa puso ng tao ang maimbot na paghahayag sa katanyagan. Pagnanasa sa higit pa sa kanyang pangangailangan. Pangangailangang nasasalig sa makasarili at makitid na layunin.
Ang daigdig ay isang paraiso. Manatili lamang ang kasaganaan nito kung tulung-tulong tayong makikibaka sa mga tao at bansang nagbabalatkayong may hangad ng pag-unlad, ngunit sumisira naman sa ating Paraiso. Ang mga walang pusong pumuputol sa ating mga puno; pumapatay sa ating mga halaman; nagpaparumi sa mga kailugan at karagatan at umuubos sa mga lamang dagat ay walang karapatang manatili sa ating paraiso. Itaboy sila sa kawalan.
Huwag hayaang maglaho ang paraisong Daigdig…. Ipagtanggol at pangalagaan natin ang kanyang kalikasan.
Kahalagahan ng Kalikasan
Talumpati ni Angelo Asendido
Malaki ang ugnayan ng tao at ng kalikasan. Sa loob ng mahabang panahon,malaki na ang naging pakinabang ng tao sa kalikasan. Ngunit alam nga ba ng ilan kung paano tayo natutulungan ng kalikasan?Sa anong paraan at kung kailan? Ano nga ba ang kahalagahan sa atin ng kalikasan?
“Kalikasan”, simpleng katawagan sa lugar kung saan tayo naninirahan at kumukuha ng pangangailangan. Pagkain,damit at tirahan,tatlo lamang sa pangangailangan ng tao para mabuhay. Kung ating mapapansin sa ating kapaligiran, ang mga nagtataasan at naggagandahang kabundukan, mga ilog, lawa at malalawak na karagatan, hindi ba’t nagbibigay ito sa atin ng ating mga kailangan. Ngunit sa daan-daang taon na ugnayan ng tao sa kalikasan, nariyan ang pandaigdigang pag-init ng mundo, pabago-bagong klima, pagbaha at pagami ng basura.
Hahayaan lang ba natin na masira at tuluyang mawala ang biyaya na bumubuhay sa atin? Hahayan na lng ba na sama-samang masira dahil sa kasalanang ating pinasimulan.
Kalikasan: Pangalagaan at Ingatan
Talumpati ni Rachel Alarcon
Paano nga ba mapangangalagaan ang kalikasan at paano ito mas mapagyayaman? Isang napakalaking katanungan.
Kung kalikasan lamang ang pag-uusapan tiyak hindi tayo madedehado. Sapagkat madami tayong mga maipag-mamalaking mga magagandang tanawin. Ngunit sapat na ba ito? Hindi ba’t dapat ay pangalagaan natin ito at pagyamanin? Dahil ang iba ay walang pakialam, mga abusado, at sinisira ang kalikasan!
Tulad na lamang sa ating kagubatan, pumuputol sila ng sangkatutak na kahoy na di naman pinapalitan. At sa ating yamang tubig, halimbawa na lamang na ilog pasig na dati’y kulay berde ngayon ay itim na! Napakadumi. Ngayon, matatawag pa bang kalikasan?
Maari naman natin pangalagaan ang ating kalikasan kahit sa simpleng paraan lamang. Itapon ang basura sa basurahan at kung puputol na puno ay agad palitan. Mayroon naman tayong makakatuwang. Ito ay ang DENR o Department of Environment and Natural Resources na isang ahensya ng pamahalaan na itinalaga upang pangalagaan ang ating kalikasan.
Alam ba ninyong ang kalikasan ang pangunahing pinagkukunan ng ating mga pangangailangan? Kaya nararapat lamang na ito’y ating suklian. Hindi ba’t kaysarap manirahan sa isang kapaligirang mayroong kalikasan? Kaya kilos! Ako mismo, ikaw mismo! May magagawa tayo! “Kalikasan: Pangalagaan at Ingatan”.
Talumpati Tungkol sa Kalikasan
Mula sa TakdangAralin.ph
Narito ako ngayon upang talakayin ang mga hindi nawawalang isyu na tungkol sa kalikasan. Napakalaki ng pangangailangan ng tao sa kalikasan.
Ang tubig na ating iniinum, karne, gulay, isda at iba pang pagkain na hinahain sa ating mesa, at ang mga materyales na ginagamit sa paggawa ng ating mga kabahayan ay nagmumula lahat sa kalikasan.
Bukod sa pagpunan sa ating mga pangunahing pangangailangan, kalikasan din ang ating pinagkukuhanan ng mga iba-ibang mineral at sangkap upang gamitin sa paggawa ng produkto na ikinakalakal ng ating bayan tulad ng tela, alahas at bakal. Bagkus, nararapat lamang na ating pahalagahan ang ating pinagkukuhanan ng mga likas na yaman.
Iwasan ang maging mapagsayang sa kahit anong yaman na kinukuha sa kaliksanan. Maaari kayong magsimulang tumulong sa pamamagitan ng pagpatay ng ilaw tuwing hindi ito ginagamit. Sa paraang ito lamang ay makakatulong kayong mapapababa ng carbon na ibinubuga ng mga planta ng kuryente.
Isa pang simpleng paraan ay ang paggamit ng baso tuwing nagsisipilyo upang makatipid ng konsumo ng tubig. Sa sangkaestudyantehan, huwag sayangin ang papel. Kung maaari ay gumamit ng scrap paper upang mabawasan ang pagputol ng puno.
Bukod sa pagtitipid ng tubig at iba pang yaman galing kalikasan, importante rin na maging mapalinis. Maaaring gas-gasan na ang mga katagang “huwag magtapon ng basura kung saan-saan” ngunit ito sana ay inyong isapuso dahil ang bawat pakete ng pagkain o ng kung ano mang prinosesong produkto ay naiipon at bumabara sa mga estero, ilog at iba pang daluyan ng tubig.
Hindi lamang pagbabara ng mga kanal ang naidudulot ng iresponsableng pagtatapon ng basura sapagkat maaari rin itong maging mitya ng buhay ng mga halaman at mga hayop na nakatira sa mga ilog, dagat, sapa at iba pang anyong tubig.
Kung tutuosin ay napakaraming mumunting paraan upang makibahagi sa pagtulong sa ating Inang Kalikasan. Ang nakalulungkot lamang ay tila maraming bata at matanda ang walang inisiatibo upang mabago ang kasalukuyang sitwasyon ng ating kapaligiran.
Bukod pa sa pagkikibit-balikat ng nakakarami, nakakadagdag rin sa problema ang patuloy na pag-abuso ng mga may kapangyarihan, lalo na ang ilang mga may-ari ng minahan at pabrika.
Maging isang mabuti at proaktibong taga-pagtanggol ng kaliksan. Sa bawat pagkakataon, gumawa ng mga hakbang upang maging mas kaaya-aya ang iyong lugar na ginagalawan.
Buksan ang inyong mga mata at patalasin ang inyong isipan upang malaman ang mga maaari ninyong gawin upang makatulong sa pagresolba ng isyu na ito.
Kalikasan, Ating Pangalagaan!
Talumpati ni Percy mula sa DefinitelyFilipino.com
Ang kalikasan ang isa sa mga pinakamagandang regalo ng Diyos sa atin kaya dapat natin itong pangalagaan. Subalit sa halip na pangalagaan, kapabayaan ang aking nakikita. ‘Di ba kaya nga nilikha ang tao para pangalagaan ito?
Kaming mga Iskolar ng Philberth sa Taal, Batangas ay nagkaroon ng isang workshop/seminar nitong nakaraang June 1-3, 2012. Ang naging tema ng aming workshop ay tungkol sa kalikasan. Isa sa mga ipinaliwanag dito ang kung paano sinisira ang ating kalikasan. Sa loob ng tatlong araw, nagkaroon kami ng talakayan tungkol sa kalikasan upang magkaroon kami ng dagdag kaalaman ukol dito at bilang mga kabataan, ano ang aming magiging hakbang upang maprotektahan ang ating Inang kalikasan at paano namin ito sisimulan. At para magkaroon ng output ang workshop na ito, gumawa kami ng isang teatro na umiikot lamang sa problemang pangkalikasan ng Batangas at maganda naman ang kinalabasan nito.
Batay sa aming nakuhang kaalaman tungkol sa workshop, unti-unti na ngang nasisira ang ating kapaligiran bunga ito ng mga sakunang dumarating sa ating buhay. Marami nang tao ang nagkakasakit dahil na din sa maruming kapaligiran. Ang landslide, flashfloods, at iba pang mga sakuna na galing sa kalikasan ay epekto ng illegal logging sa kabundukan at maging sa kagubatan. Ang Ozone layer ay unti-unti na ring nabubutas dahil sa mga pagsusunog ng basura at sobrang paggamit ng carbon dioxide. Ito ang nagiging sanhi ng Climate Change.
Bilang isang mamamayan ng ating bayan, may magagawa pa tayo para mapigil pa ang mga masasamang epekto nito. Hindi pa huli ang lahat upang mapigil ito. Ngunit kung papairalin natin ang ating kapabayaan, patuloy na masisira ang ating kalikasan at wag tayong mabibigla kung may dumating sa ating ganti ng kalikasan. Laging Tandaan: Nasa Huli ang Pagsisisi.
Ikaw, bilang mamamayan, ano ang magiging hakbang mo upang mapigilan ang ganitong sitwasyon? Paano mo ito sisimulan?
SEE ALSO: Mga Talumpati Tungkol sa Kaibigan